BULACAN BULK PROJECT UPDATE

Hindi lingid sa kaalaman ng Pamunuan ng Water District ang traffic na naidulot ng isinasagawang “Bulacan Bulk Project” na naglalayong makapagdala ng magandang kalidad ng tubig sa ating mga konsesyonaryo sa Bayan ng Santa Maria. Ang naturang proyekto sa ngayon ay nasa “Restoration Stage” na maaaring magpabigat ng trapiko sa mga barangay na apektado ng proyekto partikular sa Barangay Tumana, Barangay Parada at Barangay San Vicente.

Ang pagbasag ng kalahati ng kalsada ay kinakailangan upang maibalik sa dati ang mga kalsadang dinaanan ng proyekto. Kasabay nito ay patuloy ang pagsasagawa ng mga “maintenance activities” ng aming kontraktor upang mapanatiling pantay ang mga kalsada at upang masigurong hindi magiging sagabal sa trapiko ang mga lugar na naunang nang hinukay at nilatagan ng tubo. Sa kasalukuyan po ay nasa 2,104 metro ang nabubuhusan natin at nasa 1,453 metro ang naaspalto. Nasa 1,861 metro naman po ang kabuuang haba ng kalsada na natitirang sisimentuhin sa nasabing 3 Barangay. Ito po ay pipilitin namin matapos hanggang sa katapusan ng Mayo.

Magkakaroon rin ng mga karagdagang “traffic enforcers” sa mga lugar na apektado upang maisaayos ang trapiko sa mga naunang nabanggit na mga barangay. Pinapayuhan po namin ang publiko na dumaan sa mga alternatibong ruta.

Makakaasa po kayo na aming ginagawa ang lahat ng aming makakaya katuwang ang aming mga kontraktor at maging ang ating Pamahalaang Bayan upang matapos sa lalong madaling panahon ang proyekto at maibsan ang bigat ng trapiko sa mga apektadong lugar.

Maraming salamat po sa inyong pang-unawa.