Nais po ipahatid ng Santa Maria Water District (SMWD) sa taong bayan ng Santa Maria ang patuloy na pag-usad at progreso ng proyekto na isinasagawa sa Barangay ng Bulac na tinatawag na Global Supply Solutions Phase 1 Project at ito ay bahagi ng aming hakbang upang mapabuti ang suplay ng tubig sa nasabing barangay.

Ang sakop ng nabanggit na proyekto ay ang pagtatayo ng 1000 cubic meter Glass-Fused-to-Steel Bolted Tank sa Sitio Putol na isinasakatuparan sa pakikipagtulungan sa aming contractor na Global Supply Solutions (GSS). Ang tangkeng ito ay magsisilbing imbakan ng tubig upang matiyak ang sapat na suplay sa Barangay ng Bulac lalo na sa umaga o mga oras na mataas ang demand ng tubig. Kasabay nito ay ang on-going pipelaying works o paglalagay ng bagong linya ng tubo na mag-uugnay sa nasabing tangke sa aming kasalukuyang linya ng tubig sa Bulac. Ito ang tutulong upang maipamahagi nang maayos ang tubig mula sa bagong tangke papunta sa inyong mga kabahayan. Sa tulong ng pressure simulation data ay makikita na pagkatapos ng nasabing proyekto ay magiging sapat ang suplay ng tubig (kulay berde) sa Barangay ng Bulac lalo na sa mga bahagi ng Bulac na nakakaranas ng limitadong oras ng suplay o mababang pressure ng tubig (kulay pula at kahel)

Ang proyektong ito ay bahagi ng malawakang hakbang ng SMWD upang mapabuti ang pressure at mabigyan ng sapat na suplay ng tubig ang ating bayan ng Santa Maria hindi lamang para sa kasalukuyang pangangailangan kundi para na rin sa pagharap sa mas mataas na demand ng tubig sa mga darating na taon.

Maraming Salamat po.